Patay ang isang kwarenta’y uno anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Purok Matatag, barangay Barrera, Cabanatuan City.

Kinilala ang biktimang si Armando dela Cruz y Reyes, may asawa, residente ng nasabing lugar.

Ang tricycle na kinukumpuni ni Armando dela Cruz nang siya ay pagbabarilin sa Barrera, Cabanatuan City.

Base sa imbestigasyon ng Cabanatuan Police Station, alas dose singkwenta ng hapon noong August 27, 2017 habang kinukumpuni ni dela Cruz ang kanyang tricycle nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sakay ng isang motorsiklo at mabilis na tumakas.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima na isinugod sa MV Gallego Hospital ngunit namatay rin.

Samantala, Todas ang Number 1 High Value Target ng Cabanatuan City Police Station matapos umanong manlaban habang inihahain ang Warrant of Arrest nito sa Carmen, Zaragoza.

Lumabas sa Post Mortem Examination ng suspek na kinilalang si Christopher Quimson y Valmonte, residente ng barangay Diversion, San Leonardo na nagtamo ito ng labindalawang tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang bangkay ni Christopher Quimson matapos umanong manlaban sa mga pulis habang inihahain ang kanyang Warrant of Arrest sa Zaragoza.

Ayon sa report ng Zaragoza Police Station, alas kwatro ng hapon noong August 27, 2017 nang makipag-ugnayan si Police Senior Inspector Ferrer ng Cabanatuan Poilice Station sa Zaragoza Police Station upang ihain ang Warrant of Arrest ni Quimsom na may petsang December 22, 2014 para sa paglabag sa Section 5, Article II of RA 9165 na inisyu ni Judge Angelo Perez ng RTC Branch 27, Cabanatuan City.

Sakay umano ng isang kulay black Toyota Vios ang suspek nang lapitan ng isang PNP personnel ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang pulis na kaagad na gumanti ng  putok.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang dalawang piraso ng defomed na bala, isang caliber 9mm pistol na kargado ng isang magazine ng labindalawang bala, dalawang basyo ng bala ng caliber 9mm,  isang fired bullet, isang metal fragment, dalawang pack ng hindi pa nagagamit na transparent plastic sachet, isang Tanita weighing scale, isang maliit na pouch na naglalaman ng limang transparent plastic sachet na naglalamang ng hinihinalang shabu, isang basyo  ng bala ng caliber 9mm, isang magazine na kargado ng labilimang bala ng 9mm, isang kahon na naglalaman ng tooter, isang aluminum foil strip, apat na nakabukas na transparent plastic sachet at isang lighter.- ulat ni Clariza de Guzman