Pasok sa Top 10 diseases na sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga Pilipino ang sakit na tuberculosis kung saan anim napu’t tatlong mga Pilipino ang namamatay araw-araw o tatlong tao kada isang oras, ayon sa Department of Health.
Ayon kay Ronald Pineda, Provincial Supervisor of TB Control Program and other Infectious Diseases, umaabot sa mahigit apat na libo ang naitatalang may TB sa Nueva Ecija kada taon.
Ang tuberculosis ay isang nakahahawang sakit na dulot ng mikrobyong mycobacterium tuberculosis na nasa plema sa baga, na humahalo sa hangin kapag ang taong may ganitong uri ng sakit ay umubo, bumahing, dumura at nagsasalita.
Kadalasan umanong nahahawa o nagkakaroon ng TB ang mga edad kinse hanggang bente kwatro na aktibo sa pagpunta sa iba’t ibang lugar.
Ang mga sintomas ng TB ay ang mga sumusunod: ubong dalawang linggo o higit pa; pananakit ng dibdib at likod; lagnat at pagpapawis, kadalasan sa hapon o gabi; pagbaba ng timbang; kawalang ganang kumain; pagdura ng plema na kung minsan ay may bahid ng dugo; panghihina at pagiging madaling mapagod.
Sinabi din ni Pineda na hindi kinakailangang hintaying lumabas ang lahat ng mga nabanggit na sintomas bago magpakonsulta sa doktor, kung ikaw ay may ubo na umabot na sa dalawang linggo o higit pa ay agad ng magpasuri sa pinakamalapit na pagamutan.
Nilinaw din nito ang mga maling akala ng publiko patungkol sa sakit na TB na nagiging dahilan ng diskriminasyon sa mga biktima: ang TB ay hindi namamana kundi naihahawa; ang TB ay hindi nakukuha sa pagpapagod, pagpupuyat o pagkatuyo ng pawis sa likod; hindi lamang mga payat ang nagkakaroon ng TB; ang TB ay hindi nakukuha sa mga kubyertos at baso na ginamit ng taong may TB; ang TB ay hindi nakukuha sa pakikipaghalikan o pakikipagtalik; at ang TB ay hindi nakukuha sa pag-inom ng alak at paninigarilyo.
Maaaring gamutin ang TB sa pamamagitan ng DOTS o Directly Observed Treatment Shortcourse o tinatawag ding Tutok Gamutan, kung saan sa ilalim nito ang may sakit na TB ay may treatment partner na tumututok sa kanya para masiguro na iniinum nito ang kanyang gamot araw-araw ng walang palyasa loob ng anim na buwan o higit pa.
Kung hindi susundin ng pasyente ang tamang pag-inom ng gamot ay maaari itong magkaroon ng matinding klase ng TB o tinatawag na Multi-Drug Resistant TB, malalang uri ng TB na mas mahirap at mas mabagal gamutin na hindi bababa ng labing walong buwan.—Ulat ni Jovelyn Astrero