Pinaulanan ng bala ang bahay ng isang tricycle driver sa Likod Drive, barangay San Nicolas, Gapan City.

Personal na nagtungo at ini-report sa istasyon ng pulisya ang may-ari nito na si Lito Banadero y Evangelista, may asawa, singkwenta’y otso anyos.

Ang gate ng bahay ng isang tricycle diver na pinagbabaril ng hindi nakilalang suspek sa Gapan City.

Ayon kay Banadero, alas dos ng madaling araw noong August 21, 2017 habang magkakasama silang natutulog ng kanyang pamilya sa loob ng kanilang tahanan nang magulantang sa magkakasunod na putok ng baril sa harap ng gate ng kanilang bakuran.

Paglabas umano ng kaniyang anak na si Edwin Banadero y Evangelista, trenta’y otso, binata, nakita nito ang katagang “STAPADOR” na nakasulat at sampong butas sa gate na gawa ng pamamaril.

Sa bayan ng Talavera, napatay sa isinagawang anti-illegal drug operation ang dalawang hinihinalang tulak ng shabu sa Purok singko, barangay San Pascual.

Kinilala ang mga suspek na sina Edward Tobias y Villavicencio alyas LUSAW, trenta’y nueve anyos, binate, tricycle driver at Jonathan Talingting y Torrijos alyas DODONG, bente tres, binate, kapwa residente ng Barrera, Cabanatuan City.

Ayon sa report ng Talavera Police Station, alas tres kwarenta ng madaling araw, nagpanggap ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit at nakabili sa mga suspek ng isang transparent plastic sachet na pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng Php500.00.

Ngunit nang matunugan na mga pulis ang kanilang nakatransaksyon ay bumunot ng kanilang mga baril ang dalawa at pinaputukan ang mga operatiba.

Dawang umano’y tulak ng shabu ang napatay sa buy bust operation sa Talavera.

Nagpalitan ng putok ang magkabilang grupo na nagresulta sa pagkamatay nina Tobias at Talingting.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang tig-isang basyo ng bala ng caliber 9mm at magnum 22, isang plastic sachet na hinihinalang shabu at isang unit ng kulay Maroon/ red Kawasaki Bajaj motorcycle.

Nakuha umano sa bangkay ni Tobias ang isang caliber 38 na baril at magazine ng bala nito, isang black pouch na naglalaman ng mga transparent plastic sachet, tatlo dito ay naglalaman umano ng crystalline white substance na pinagsususpetsahang shabu at Php 800.00 kabilang ang Php 500.00 bill marked money na ginamit sa buy bust.

Habang nasamsam mula sa bangkay ni Talingting ang isang magnum 22 na pistola na may magazine ng bala, isang kulay green na plastic container na naglalaman ng plastic sachet na hinihinalang shabu.-ulat ni Clariza de Guzman