Dininig sa pangalawang pagbasa ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang Proposed Ordinance No. 002-2017 o Gender and Development (GAD) Code.
Ayon sa may akda na si Kon. Fanny Posada, Chairman ng Committee on Social Welfare, Women and Family, ang panukala ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 2009-1 na naglalayong protektahan, suportahan at pangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan at pagkapantay-pantay ng mga kasarian.
Sa kaniyang presentasyon, binanggit niya isa-isa ang mga miyembrong bumubuo ng Gender and Development Focal Point System (GFPS) mula sa City Mayor hanggang sa iba’t-ibang departamento ng Pamahalaang Panlungsod.
Ngunit, napansin ni Kon. Gave Calling na natatanging wala sa listahan ang Pangalawang Punong Lungsod. Kaya’t hiniling nito na amyendahan ang naturang panukala upang maisali ang Bise Alkalde.
Isa din sa ipinaliwanag ni Kon. Posada, ang pondong pagkukuhanan ng mga programa.
Ang pondo ay magmumula sa 5% ng kabuuang Local Government Unit (LGU) budget.
Sa kaso ng Cabanatuan, nagkakahalaga ng P1.3 Billion ang Annual Budget ng siyudad. Ang limang porsyento nito ay umaabot ng P67-M.
Habang ang mga programa na inilatag ay para sa mga Samal Bajau, Livelihood Assistance, Women Welfare Program, Tahanan Ni Maria, Bahay Pag-Asa Center at isa na nga dito ang Pantawid, Pamilya, Pilipino Program (4P’s).
Sa opinyon ni Vice Mayor Anthony Umali, ang ilan sa mga programa na kasama sa panukala, kagaya na lamang ng 4P’s ay kasalukuyan nang programa ng nasyunal.
Aniya, baka nauulit na ang mga programa. Samantalang, marami pang bagay na dapat paglaanan ng pondo. -Ulat ni Danira Gabriel