Sinimulan na ngayong araw ng linggo, August 20, 2017,  ang culling o pagpatay sa Anim na pu’t walong libong manok dahil sa Avian Influenza o Bird Flu sa isang poultry farm sa Brgy. San Roque, San Isidro, Nueva Ecija.

Ayon kay Rosanna Calma, Municipal Agriculturist ng San Isidro, maaaring tumagal ng limang araw ang mandatory depopulation ng mga apektadong manok.

Ang mga manok ay inilalagay sa plastic container na may usok ng carbon dioxide. Pagkapatay ng manok, ililibing ito sa hukay na may lalim na 6 feet.

Pahayag ni Calma, maaaring makatanggap ng P80 ang may-ari sa bawat ulo ng manok na papatayin.

Mayroon din aniyang survival and recovery loaning program kung saan maaaring makatanggap ng P25,000 ang mga apektadong magmamanok: P5,000 ang grant at walang collateral o interes naman ang P20,000. Puwede itong bayaran matapos ang tatlong taon.

Ang pagpatay sa mga hayop na may pakpak ay mula sa kinakitaan ng avian virus na nasa ilalim ng tinatawag na “Ground Zero” hanggang sa 1-kilometer radius contained area.

Ang mga nasa loob naman ng 7-kilometer radius, ay hindi na puwedeng ibenta sa labas ang kanilang mga alaga pati na ang mga itlog, dumi at semilya nito.

Anim na pu’t walong sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipinadala para tumulong sa pagpatay ng libo-libong manok.

Habang agarang ipinadala ng Provincial Government ang mga truck at back hoe na humahakot at naghuhukay ng libingan ng mga pinatay na manok.

Bago magsagawa ng operasyon ang mga sundalo at driver ay sinaksakan muna sila ng bakuna ng Department of Health (DOH) upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Bente kwatro oras naman na nakatutok ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa inisyatibo ng Ina ng Lalawigan Gov. Cherry Umali sa isinasagawang mandatory depopulation sa bayan ng San Isidro at Jaen na kasabayan din na nagsagawa ng culling ng araw na ‘yon. –Ulat ni Danira Gabriel