Matapos kumpirmahin ni Department Secretary Manny Piñol na positibo sa bird flu ang mga nakuhang specimen ng mga namatay na poultry products sa dalawang farm sa Brgy. San Roque, San Isidro at Brgy. Imbunia, Jaen ay ikinakasa na ng Pamahalaang Panlalawigan ang mandatory depopulation sa mga apektadong poultry farm sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis, bago pa magkaroon ng kumpirmasyon ng bird flu sa lalawigan ay pro-active na ang Provincial Government sa isyu ng kaso nito sa Nueva Ecija, alinsunod na rin sa inisyatibo ni Gov. Cherry Umali.
Sa ngayon, ay nakikipagusap na ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga kinauukulan upang magkaroon ng dayalogo sa mga poultry farmers para sa isasagawang pagpatay sa mga apektadong manok at iba pang ibon.
Araw ng Sabado, August 12, 2017, nang makakuha ng specimen mula sa bayan ng San Isidro at dinala ito sa Regional Office para sa confirmatory tests. Araw naman ng Linggo, August 13, 2017 ng nakakuha at naipadala ang specimen mula sa bayan ng Jaen para sa series of test.
Bago pa man nagkaroon ng resulta ay nagpatupad na ng 1 km radius quarantine ang Provincial Government sa dalawang poultry farm.
Sa ilalim ng one-kilometer radius ang lahat ng mga manok, pato, ibon at iba pang katulad nito ay papatayin, habang ang iba pang ibon sa sakop naman ng seven-kilometer radius ay ipinagbabawal nang i-biyahe palabas ng probinsya.
Dagdag pa ni Abesamis, nakahanda ang Provincial at District Hospital sa mga posibleng pasyente ng kaso ng bird flu.
Payo ng administrador, suspendihin muna ang mga operasyon ng sabungan sa lalawigan upang maprotektahan ang publiko.
Kooperasyon aniya ng mga mamamayan at poultry farmers ang sagot sa sitwasyong ito. –Ulat ni Danira Gabiel