Sa Ika-Tatlumpu’t Dalawang Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ay nilinaw ni Vice Mayor Anthony Umali ang di umano’y mga bulong-bulungan sa paligid ng Public Market na ang Sanggunian ang sinisisi kung bakit biglang napaalis ang mga side walk vendors ng naturang lugar.
Ayon kay Kon. Ruben Ilagan, Chairman ng Committee on Market and Slaughterhouse, ang pagpapaalis sa mga tindera ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Jay Vergara.
Sa pahayag ng Bise Alkalde, mainam na umano na malinawan ang publiko sa tunay na dahilan nang isinagawang clearing operation.
Dahil kung siya aniya ang tatanungin, tutol siya sa biglaang pagpapaalis sa mga tindera lalo na at walang ibinigay na alternatibong paraan ang Punong Lungsod upang pansamantlang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.
Sa opinyon pa ng Bise Alkalde, tila hinahaluan na naman aniya ng politika ang sistema ng pagnenegosyo sa lungsod. –Ulat ni Danira Gabriel