Kinondena ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng San Antonio ang tangkang pagpatay kay Mayor Arvin Salonga na naganap noong July 31, 2017 sa loob ng Munisipyo ng nasabing bayan.
Sa pamamagitan ng sama-samang pag sang-ayon ng mga Konsehal at ni Vice Mayor Julie Maxwell ay agarang inaprubahan ng SB ang resolusyon na humihikayat kay Kon. Renan Morales na magpaliwanag upang bigyang linaw ang pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa planong pagkitil sa buhay ng Punong Bayan.
Sa pamamagitan ng tip ng isang concern citizen ay naunsiyami ang tangkang pagpaslang kay Mayor Salonga na nagresulta ng pagkakadakip ng dalawang suspek na sina Ruelito Roxas, dating pulis at Alex Panganiban.
Nakumpiska ng pulisya sa lulan nitong sasakyan, ang mga matataas na kalibre ng baril, samu’t-saring bala, mga kutsilyo at bomba.
Base sa naka save na numero sa cellphone na narecover ng pulisya at sinumpaang salaysay ni Roxas ay itinuro nito na si Kon. Morales ang master mind sa pagpatay sa punong bayan, kapalit ng P5-M.
Ayon kay Mayor Salonga, araw ng biyernes, August 04, 2017 nang kinakatagpo siya ni Kon. Morales na mag-usap sila sa Maynila, ngunit hindi siya pumayag dahil sa isyu ng kanyang kaligtasan.
Aniya, araw ng linggo ng mabalitaan niya na lumipad na ito papunta sa ibang bansa na walang official leave.
Sa kasalukuyan ay nakasampa na sa mga suspek ang Illegal possession of firearms and explosives. Habang pinag-aaralan naman ng mga abugado ng Punong Bayan ang isasampang kaso sa Konsehal. –Ulat ni Danira Gabriel