Isang pinaghihinalaang improvised explosive device (IED) ang tumapos sa buhay ng kwarenta anyos na si Marvin Barrientos, matapos itong sumabog habang dumadaan ang minamanehong tricycle ng biktima sa Brgy. Pasong Inchik, Bayan ng Guimba, kamakailan.
Hindi matanggap ng ina nitong si Aling Clarita na sa ganoong paraan babawiin ang anak sa kanya dahil mabait at bread winner ng pamilya si Marvin, kaya naman hustisya para sa kanya ang sigaw ng kanilang pamilya.
Panawagan ni Aling Clarita kay Pangulong Rodrigo Duterte na sana’y mabigyan ng pansin ang nangyari sa anak upang mapanagot ang sinumang responsable sa naganap na pagsabog.
Sa ulat na aming nakalap sa Guimba Police Station, dakong alas singko kwarenta ng hapon habang binabagtas ni Marvin ang Guimba-Cuyapo Road na nasa bisinidad ng Brgy. Pasong Inchik, Bayan ng Guimba sakay ang dalawang estudyante at isang guro, ng biglang may sumabog sa nakatambak na mga bato at buhangin sa gilid ng kalsada. Dahil sa lakas ng pagsabog ay agad na nasawi si Barrientos habang malubhang napinsala ang tatlo nitong pasahero.
Dahil nawalan na ng control ay bumangga ang tricycle ng biktima sa paparating na tricycle na lulan ni Bayani Martinez at ng kinse anyos nitong anak, na nagtamo din ng pinsala at mabilis na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.
Base sa nakalap na mga ebidensya ng mga tauhan ng K9-Explosive Ordnance Disposal ng Philippine Army at SOCO Team mula sa Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office, ang pinaghihinalaang IED ay pinaniniwalaang itinanim sa nakatambak na mga bato at buhangin sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng kapulisan upang tukuyin ang tunay na motibo at posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
Kasalukuyang nakaburol ang mga labi ni Barrientos sa kanilang tahanan sa Purok Camia, Brgy. Pacac, Guimba at nakatakda itong ilibing sa araw ng miyerkules, August 9, alas otso ng umaga sa Guimba Public Cemetery.— Ulat ni Jovelyn Astrero