Bubusisiing mabuti ang bawat dokumento ng mga manlalaro sa Nueva Ecija Collegiate Sports League o NECSL Season 6 na ipinasa ng mga kolehiyo na kalahok sa nasabing palaro.
Ayon kay Johann Ocampo, Chairman ng NECSL 6, magtatalaga sila ng dalawa o tatlong tao para sa pagsusuri ng mga dokumento upang masiguro na authentic ang lahat ng papeles ng bawat manlalaro.

Tinanggap ng Chairman ng NECSL 6 na si Johann Ocampo ang mga dokumento ng mga manlalaro mula sa iba’t-ibang kolehiyo na lalahok sa palaro.
Ang paghihigpit sa pagsusuri ng mga papeles ay para rin maiwasan ang mga problema gaya ng pamemeke ng mga dokumento.
Samantala, siyam na eskwelahan na ang nakapagpasa ng mga requirements sa itinakdang deadline habang may apat o limang kolehiyo pa ang hinihintay na magbibigay ng mga dokumento.
Ayon kay Ocampo, kailangan nilang i-extend ng isang linggo ang deadline ng pagpapasa ng requirements para sa mga ibang kolehiyo na nais sumali ngunit nagkaroon ng problema.

Ginanap ang pangalawang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng iba’t-ibang kolehiyo para sa nalalapit na Season 6 ng NECSL.
Ang mga eskwelahan naman na Agosto nagsimula ang klase gaya ng Wesleyan University of the Philippines, Central Luzon State University at Manuel V. Gallego Foundation Colleges ay hanggang Agosto 17 maaaring magpasa ng requirements.
Samantala, idinagdag ni Ocampo na nagkaroon ng ilang pagbabago sa mga patakaran ng palaro kagaya ng pagbibigay pahintulot sa mga senior highschool na makasali sa NECSL. -Ulat ni Irish Pangilinan