Isang liham ang ipinadala ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa opisina ni Mayor Jay Vergara ukol sa dalawang ordinansa ni Kon. Gave Calling na halos isang taon ng nakabinbin sa SP.
Base sa sulat na isinumite, ang tinutukoy na dalawang ordinansa ay ang Proposed Ordinance No. 005-2016 or “An ordinance providing free vaccine for all City Government employees and volunteers at the City Hospital” at Proposed Ordinance No. 007-2017 or “An ordinance for the creation of Public Order and Safety Division and appropriating funds.” Nagtakda na umano ng mga pagpupulong ang mga komite upang mabigyan ng linaw ang mga katanungan hinggil sa mga nabanggit na ordinansa, ngunit hindi dumadalo ang mga Department Heads.
Kaya’t hiniling ng SP na makipag ugnayan sa Punong Lungsod upang magkaroon ng katugunan ang mga nasabing panukalang batas.
Ayon kay Kon. Gave Calling, isinulat niya ang Free Vaccine buwan ng Agosto noong nakaraang taon. Ngunit, hanggang ngayon ay wala pa ring kalinawan kung may pondong ilalaan ang City Government para dito.
Habang ang pangalawang ordinansa na naglalayong mabigyan ng permanenteng posisyon at karampatang benepisyo ang mga Traffic Enforcers ay ilang buwan na ring nakabinbin.
Sa opinyon ni Vice Mayor Anthony Umali, tila binabalewala ng mga kinauukulan ang magandang hangarin ni kon. Calling na magpasa ng mga ordinansa na lubos na makatutulong sa mga mamamayang cabanatueño.
Matatandaan na sa panahon ng kampanyahan ay magkaibang partido ang kinabibilangan ng konsehal at Punong Lungsod.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring iniintay ng SP ang kasagutan ni Mayor Vergara. –Ulat ni Danira Gabriel