Nananatili ang paninindigan ni Governor Czarina “Cherry” Umali na maaaring mapuksa ang iligal na droga sa probinsya, hindi sa pamamagitan ng karahasan o pagkitil sa buhay ng sinuman kundi sa pamamagitan ng malasakit at pagmamahal para sa mga nalulong sa masamang bisyo.
Ipinahayag ni Governor Umali sa kanyang talumpati ang mga napagtagumpayan ng kanyang binuong project USAD o United Stand Against Dangerous Drugs sa isinagawang Provincial Summit on Project USAD sa Convention Center, Palayan City, kamakailan.
Ayon sa Gobernadora, sa loob ng isang taon ay nakapagpatayo na ng mga Bahay Pag-asa o Bahay Pagbabago sa lahat ng Local Government Units sa buong lalawigan, kung saan isinasagawa ang 30 day training at re-orientation sa mga drug surrenderers.
Naging katuwang din ang TESDA o Technical Education and Skills Development Authority na nagbigay ng technical trainings sa mga nabiktima ng droga.
Binigyang pagkilala din ni Governor Umali ang partisipasyon ng Simbahang Katolika sa pagbibigay ng Inter-faith Spiritual Transformation sa mga Bahay Pagbabago at ang patuloy na pagsasagawa ng Double Barrel Campaign ng PNP sa mga High Value Targets.
Gayundin ang pagtutulungan ng PNP at DILG sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga kasapi ng BADAC o Barangay Anti-Drug Abuse Councils na naglalayong mailigtas ang mga kabataan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa accomplishment report ng PNP sa Project Double Barrel na iprenisenta ni PDEA Information Officer Glenn Guillermo, umabot na sa 28,883 ang mga sumuko, 959 ang naaresto, 48 ang napaslang sa police operation, 15 ang namatay, at 48 ang naitala sa homicide under investigation.
Sa mahigit 28,000 surrenderers, nasa 3,189 na ang bilang ng mga grumadweyt sa mga Bahay Pagbabago at nasa 596 ang kasalukuyang naka-enrolled. Nakatakda naman umanong magsipagtapos ang first batch ng mga drug surrenderers na ipinasok sa Mega Drug Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay, Palayan City sa unang linggo ng buwan ng Agosto.
Sa ilalim naman ng Barangay Drug Clearing Operation as of June 27, 2017, sa kabuuang bilang na 849 Barangays sa buong lalawigan ay nasa 731 Barangays ang naitalang apektado ng iligal na droga, 669 na barangay dito ang pasok sa kategoryang slightly affected o less than 2% ng total population ng barangay ay apektado ng iligal na droga, 62 barangay naman ang moderately affected o 2% but not more than 20% ng total population ay apektado ng iligal na droga.
Sa datos pa din ng PNP nasa 694 na ang bilang ng mga drug cleared barangays, ngunit binigyang diin ni PDEA Information Officer Guillermo na ang 694 na naitalang drug cleared barangay ay base sa lumang DDB Board Regulation No.2 Series of 2017.
Ayon kay Guillermo, kung dati ay ang Chief of Police at Punong Bayan ang magsesertipika at magpapatotoo kung ang barangay ay drug cleared, sa bagong DDB Board Regulation No.3 Series of 2017 ay ang Oversight Committees na ang dapat na magpatunay na binubuo ng PDEA, DILG, LGU at PNP.
Dagdag nito, sa kasalukuyan ay nasa apat pa lamang ang drug cleared barangay sa buong Central Luzon, na nakaayon sa bagong board regulation, tatlo sa Bataan at isa naman sa Pampanga.
Samantala, pinasalamatan ni Governor Cherry ang iba’t ibang sangay ng Gobyerno, mga pampubliko at pampribadong ahensya at sektor, na nagsilbing backbone o lakas, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pagsugpo sa iligal na droga sa lalawigan.
Ang naturang summit ay dinaluhan ng mga opisyal ng mga barangay sa Lalawigan, Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Philippine Army, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Philippine Dangerous Drugs Board (PDDB) at mga kinatawan ng Simbahang Katolika.
Panauhin naman sina PDEA Deputy Director General for Operation Ricardo Quinto, Sec. Dionisio R. Santiago, Chairperson ng Dangerous Drugs Board, National President ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas Atty. Edmund Abesamis, Nueva Ecija League of Municipalities of the Philippines President Ferdinand Abesamis, Nueva Ecija Vice Mayor’s League President Anthony Umali, Bishop Ricardo Quesada at Father Arnold Abelardo ng Ako ang Saklay.— Ulat ni Jovelyn Astrero