Kaniya-kaniyang pagpapasikat ng talento ang ipinamalas ng mga Persons With Disability (PWD) sa ginanap na pagdiriwang ng Ika-39th National Disability Prevention and Rehabilitation Week noong nakaraang linggo, July 17-23, 2017.
Ito ay may temang “Karapatan at pribilehiyo ng may kapansanan isakatuparan at ipaglaban.” na dinaluhan ng humigit kumulang 700 estudyante at guro ng Sped at mga PWD sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng lalawigan.
Layunin ng selebrasyon na ipakita at ipagmalaki ng mga PWD ang kanilang angking talento sa kabila ng kapansan.
Kagaya na lamang nila Angelito at Dante na bagamat pawang mga ipinanganak na walang binti ay hindi ito naging hadlang upang magbigay ng inspirasyon sa mga kapwa nila may kapansanan.
Sa katunayan, sila ang kumatawan sa Nueva Ecija at ipinadala sa rehiyon upang makipag kompetisyon sa larangan ng pakikipagtagisan ng talento na idinaos sa Pampanga.
Ayon kay Marijune Munsayac ng Provincial Social Welfare And Development Office (PSWDO), nasa anim na libong PWD na ang nakatala sa kanilang listahan.
Aniya, ang pangangailangan at hinaing ng bawat PWD ay sinisikap na tugunan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Cherry Umali.
Kamakailan lamang ay nagpamahagi sila ng libreng 31 wheelchairs, 8 artificial legs, 3 crutches, 1 cane at 1 adult walker para sa mga benepisyaryong PWD.
Hinikayat ni Nueva Ecija Association of PWD(NEAPWD) Nelson Legaspi, ang iba pang PWD na lumitaw na upang makibahagi at makinabang sa mga programang inilalaan ng gobyerno para sa kanilang sektor. –Ulat ni Danira Gabriel