Nagpagalingan sa pagrampa ang mga kandidato at kandidata sa ginanap na Mr. and Ms. Nutrition sa Nueva Ecija High School habang suot ang kani-kanilkang mga damit na may disenyong gulay, prutas at iba pang masusustansyang pagkain. Ang nasabing programa ay inilunsad bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon na may temang, “Healthy diet, gawing habit for life”.

Ayon kay Ms. Jay Layugan, Teacher I mula sa TLE Department, nagkakaroon sila ng ganitong programa upang maturuan ang kanilang mag-aaral tungkol sa tamang pangangalaga sa kalusugan.

Samantala, ang ginanap na patimpalak ay dinaluhan ni Vice Mayor Anthony Umali bilang panauhing pandangal. Sinabi ng Vice Mayor na mahalaga ang ganitong klase ng programa sapagkat kung maganda ang pangangatawan, magiging maganda nag kaisipan at matututo ng maayos ang mga kabataan.

Ang labindalawang kandidato at labingwalong kandidata na nagmula sa iba’t-ibang year level ay nagpagalingan din sa pagsayaw ng kanilang production number at pagrampa ng casual wear.

Samantala, ang napiling top 5 ay nagtagisan ng talino sa pagsagot sa question and answer.

Nagkamit ng special awards na best in shorts sina Marjorie Memfin at Christian Santillan.  Best in casual attire naman si Nica zabat at Christian Santillan. Nangibabaw naman ang kasuotan nina John Roylan Vergara at Marjorie Memfin na kapwa nakakuha ng best in costume.

Sa huli, itinanghal na second runner-up sina Michael Angelo Javier at Kaila Mae Dalope. First runner-up naman sina John Aubrey Battung at Robielyn Trinidad. At nakamit nina Wendell Martin, Jr. at Nica Zabat ang titulong Mr. and Ms. Nutrition 2017. -Ulat ni Irish Pangilinan