Tumatanggap na ng mga kaso na may kinalaman sa simbahang katolika ang Diocesan tribunal ng Cabanatuan City. Kabilang sa mga pwedeng ihain sa tribunal mga kasong kinasasangkutan ng mga pari at ang pagpapawalang-bisa sa kasal ng mga mag-asawa na sa simula pa lamang ay imbalido na.
Ayon kay Father Reynold Oliveros, Judicial Vicar, layunin nito na bigyang katarungan ang mga mag-asawang may problema sa pagsasama na nag-ugat bago pa sila ikinasal.
Ilan sa mga grounds upang ideklara ang nullity of marriage ang pagiging impotent ng lalaki, pagka-baog, at kung pinikot o napilitan lang na magpakasal alinman sa babae o lalaki.

Si Fr. Reynold Oliveros, Judicial Vical ng Diocesan Tribunal of Cabanatuan sa panayam ng TV48.
Paliwanag ni Father Oliveros ang mga kasong isasampa sa korte ng simbahan ay dadaan sa imbestigasyon at pagdinig ng collegiate tribunal na may tatlong judges o mga itinalagang pari na may lisensya o nagtapos ng doctorate sa canon law.
Nilinaw rin nito na ang mga katoliko lang na ikinasal sa simbahan ang maaring mag-file ng kaso sa Diocesan tribunal, at kailangan pa ring magsampa ng hiwalay na annulment case sa civil court para mapawalang bisa kasal ng mag-asawa.
Sinimulang buksan ang tribunal noong June 3, 2017 sa ika-limampo at apat na taong anibersaryo ng Diocese of Cabanatuan na itinatag taong 1963.
Sa mga nais na dumulog sa Diocesan tribunal, ang kanilang tanggapan sa Chancery na katabi ng old building ng College of the Immaculate Conception ay bukas araw-araw mula alas nueve ng umaga hanggang alas singko ng hapon at may numerong 463-3849.- Ulat ni Clariza de Guzman