Kadalasan umanong nagkakaroon ng katarata at pugita sa mata ang tao kapag ito ay matanda na, mayroon din namang bata pa lamang ay may ganito ng uri ng suliranin dahil maaari din kasi itong manahin sa ibang kapamilya o kamag-anak na nagkaroon din nito.

Kaya naman habang bata pa ay may ilang mga tips na ibinigay si Dra. Adora Cruz, Chief ng San Antonio District Hospital kung paano nga ba mapapangalagaan ang ating mga mata.

Ayon kay Dra. Cruz, iwasan ang pagbabasa ng libro o anumang babasahin sa madidilim na lugar, kung maaari ay suriin ang distansya ng inyong binabasa sa inyong mukha, hangga’t maaari ay ilayo ang babasahin ng isang talampakan mula sa inyong mukha.

Nakakaapekto din ang masyadong pagbababad ng mata sa mga gadgets tulad ng cellphone at ipod dahil sa liwanag at radiation na inilalabas ng mga ito.

Ang masyado ding panunuod sa telebisyon at ang masyadong pagbababad sa harap ng computer ay makasasama para sa ating mga mata.

Hangga’t maaari ay dapat na mabigyan ng sapat na pahinga ang mga mata, kaya pinapayuhan ni Dra. Cruz ang publiko na matulog ng pito hanggang sampong oras, depende sa edad ng tao.

Kung sadyang may nararamdaman ng hindi kaaya-aya sa inyong mga mata ay mas makabubuti pa rin aniya ang magpakonsulta sa tamang doktor sa mata.

Ang San Antonio District Hospital at Pamahalaang Panlalawigan ay nag-aalok ng libreng konsultasyon, gamot at operasyon para sa mga mamamayang may suliranin sa mga mata. –Ulat ni Jovelyn Astrero