Naimbitahan sa buwanang pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija Chapter (LMP-NE) ang NIA-UPRIIS na nakabase sa Lungsod ng Cabanatuan, upang idulog ang suliranin ng mga magsasaka sa District 4.
Sa pamamagitan ni Mayor Ramil Rivera ay inihayag nito ang problema sa patubig ng mahigit 20,000 hectares na bukirin sanhi ng isinasagawang Canal Lining o rehabilitasyon sa irigasyon sa kanilang bayan.

Isinagawa ang monthly meeting ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija Chapter sa Bayan ng Zaragoza, upang talakayin ang iba’t ibang suliranin ng bawat bayan.
Hiniling ni Mayor Rivera na sana ay patapusin muna ang second cropping bago ituloy ang rehabilitasyon at bigyang daan ang mga magsasaka upang makapagtanim at makaani ng palay.
Giit ni Rivera, kapag hindi nakapagtanim ang mga magsasaka ay magdudulot ito ng kagutuman na nagiging dahilan din aniya sa nakawan na nangyayari sa kanilang lugar.
Nangako naman si Engr. Florentino David, Operations Manager ng NIA-UPRIIS na makikipag-ugnayan sa Contractor at Irrigator’s Association upang masolusyonan ang naturang suliranin.
Samantala, kabilang din sa dumalo sa LMP-NE meeting ay ang Department of Education-Nueva Ecija upang idulog ang pagkakaroon ng Television sets at monitors sa mga silid-aralan ng Kindergarten hanggang Grade 3 na gagamitin bilang educational tool.
Layon ng kahilingang ito na mas mapaghusay at mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga batang nasa Kindergarten hanggang Grade 3.
Upang mapagtibay ang Pledge of Commitment na pinirmahan ng mga Alkalde kaugnay sa paghingi ng tulong ng DepEd-Nueva Ecija ay nag-adopt ang Liga ng isang resolusyon.
Sa mosyon ni Mayor Ricardo Padilla, Bise Presidente ng LMP-NE, na sinuportahan ng mga miyembro ng Liga, ay inaprobahan ang Resolution No. 11 series of 27, na may petsang June 30, 2017, na nagsasaad ng commitment ng mga Alkalde sa kahilingan ng DepEd-NE. – Ulat ni Jovelyn Astrero