Kahandaan sa pagdating ng sakuna, ito ang mabisang sandata upang maging ligtas ang inyong sarili at pamilya, ito ay ayon kay Michael Calma ng PDRRMO.

Kamakailan ay isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng PDRRMO ang ikawalang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na nilahukan ng lahat ng Departamento ng Old Capitol Building.

Ayon kay Calma, sa direktiba ni Governor Czarina Umali, apat na Earthquake Drill ang idinadaos sa Lalawigan kada taon na naglalayong ihanda ang mga mamamayang Novo Ecijano sa pagdating ng malakas na lindol.

Ngayong taon hindi lamang kahandaan ng taong-bayan ang ninanais na sanayin kundi maging ang pagkakaroon ng organisado at alertong rescue team mula sa iba’t ibang sangay ng Gobyerno.

Sinabi ni Calma na ang pagdating ng lindol ay walang pinipiling oras o panahon kaya dapat ding sanayin ang kahandaan ng mga rescue team mula sa preparasyon ng mga equipment o kagamitan hanggang sa search and rescue operations.

Kabilang din sa pagsasanay ang pagkakaroon ng inconsistency o hindi pagkakatugma pagdating sa reported and unreported incidents na posibleng nangyayari sa aktwal na sitwasyon.

Ayon naman kay Darwin Sardañas ng PDRRMO, mas paiigtingin pa nila ang pagsasagawa ng mga pagsasanay upang subukin ang kahandaan ng bawat isa at susuriin ang mga kakulangan na kinakailangan pang mapabuti. – Ulat ni Jovelyn Astrero