Muling umaarangkada ang Dental Bus ng Provincial Government at Provincial Health Office upang magsagawa ng medical dental mission sa iba’t ibang pampublikong elementarya sa buong lalawigan.

Ito ay sa ilalim ng programang ‘’Smile Mo Labs Ko’’ ni Governor Cherry Umali at Atty. Oyie Umali na matatandaang nagsimula pa noong July 2016.

ANG DENTAL BUS NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN AT PROVINCIAL HEALTH OFFICE NA PATULOY NA UMIIKOT SA IBA’T IBANG PAMPUBLIKONG PAARALANG ELEMENTARYA SA BUONG LALAWIGAN PARA MAGBIGAY NG LIBRENG SERBISYO SA MGA KABATAANG NOVO ECIJANO.

Layunin nito na magbigyang-kaalaman ang mga kabataang Novo Ecijano.tungkol sa proper oral health kasabay ng iba’t ibang dental services.

Nakapaloob sa serbisyo ng dental bus mission ang pagtuturo ng tamang paghuhugas ng kamay, pagtu-toothbrush, at pamimigay ng toothpaste at toothbrush sa mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade IV.

Para naman sa mga Grade V at Grade Vi students ang libreng restoration o pasta, exodontia o bunot, at cleaning o oral prophylaxis.

Pero ayon sa PHO, nagbibigay din naman ng libreng bunot sa mga Kinder at Grade IV basta’t kasama ang kanilang mga magulang.

Isa rin umano sa mga isinusulong ng programa ang alisin ang takot ng mga bata sa mga dentista.

Noong nakaraang linggo ay anim na pampublikong elementarya na ang binisita at nabigyan ng serbisyo ng nasabing Dental Bus.

Ito ay kinabibilangan ng Langla Elementary School sa bayan ng Jaen, Nieves Elementary School sa bayan ng San Leonardo, General Luna Elementary School sa bayan ng Llanera, Cabucbucan Elementary School sa bayan ng Rizal, General Tinio West Central School sa bayan ng Gen. Tinio at Callos Elementary School sa bayan ng Peñaranda.

Ayon sa principal ng Langla Elementary School na si Reden Daquis, kadalasang dahilan ng pagliban ng mga mag-aaral sa klase ang pananakit ng ngipin kaya naman malaking tulong umano ang programa ng ina ng lalawigan sa mga kabataan.

Labis din ang pasasalamat ng mga mag-aaral sa serbisyong kanilang natanggap mula kay Governor Cherry.

A   ng ‘’Smile Mo, Labs Ko” at dental bus ng pamahalaang panlalawigan ay inaasahang patuloy na iikot sa iba’t ibang bayan upang magbigay ng libreng serbisyo sa buong lalawigan. – Ulat ni JANINE REYES.