Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ang kauna-unahang provincial assembly na dinaluhan ng mga bayan at lungsod sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Mas pinalawak ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina D. Umali ang inorganisang Malasakit Overseas Filipino Worker’s Family Circle sa Nueva Ecija noong Martes, June 27, 2017 sa Old Capitol Auditorium sa Cabanatuan City na may temang “Pagmamalasakit at pagkakaisa para sa migranteng Pilipino at sa kanilang pamilya.”

Mula sa 14 na bayan at 3 lungsod sa lalawigan, nagsama-sama ang mga balik-bayang OFW at mga pamilya ng Filipino Workers na kasalukuyan pa ring nagtatrabaho sa ibang bansa na kinabibilangan ng mga bayan ng Zaragoza, Guimba, Aliaga at Talavera sa unang distrito, Bayan ng Lupao, Rizal, Pantabangan, Carranglan at Lungsod Agham ng Muñoz sa ikalawang distrito, bayan ng Bongabon, General Natividad, Gabaldon, Sta Rosa, Lungsod ng Palayan at Cabanatuan sa ikatlong distrito, bayan ng Cabiao, General Tinio at Peñaranda sa ika-apat na distrito.

Ayon kay Vice Mayor Doc Anthony Umali, hangad ng gobernadora na bigyan ng pag-asa ang bawat pamilya ng OFW na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at siguruhin ang kaligtasan sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region III.

Sa ginanap na pagpupulong, ipinaliwanag ni Esperanza Cabarubias Chief Program and Service Division ng OWWA Region 3 ang kahalagahan ng OFW Family Circle sa probinsya.

Dagdag pa ni Cabarubias na maraming programa ang maaaring matanggap ng bawat pamilya ng OFW tulad ng scholarships at livelihood assistance.

Ibinida naman ni Eden F. Puga, Adhoc Chair ng Malasakit Office na maraming matututunan ang mga pamilya ng OFW sa pagsali sa kanilang organisasyon.

Tulad ng asawa ni Perla Ramos na 11 taon ng nagtatrabaho sa bansang Dubai bilang electrician sa mga hotel ang nagsasakripisyo hanggang ngayon upang matugunan ang gastusin ng pamilya at makapagtapos ang 3 anak.

Ayon kay Perla, mahirap para sa kanya ang tumayo bilang ama at ina sa kanyang mga anak.

Kaya naman, malaking tulong ang ganitong samahan para sa bawat pamilya ng OFW kung sakaling magkakaroon sila ng hanapbuhay.

Para naman kay Cecillia Saad ng Bongabon Nueva Ecija, dating OFW sa Taiwan at Hongkong, maganda ang ganitong klaseng programa upang makatulong sa kanilang pamumuhay.

Samantala, bukas naman para sa lahat ng Novo Ecijanong OFW ang Provincial OFW Help Desk kung sakaling magkakaroon ng problema mula sa kanilang pinasukan sa ibang bansa.

Matatagpuan ang kanilang opisina sa 1st Floor ng Old Capitol Building, Cabanatuan City at hanapin lamang si Jose Agripino Balaong. – Ulat ni Shane Tolentino