Patuloy pa ring ipinaglalaban ng Federation of the Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP)-Cabanatuan ang kanilang karapatan sa pamamahala ng Senior Citizens Center sa Kapitan Pepe, Cabanatuan City.
Sa ika-dalawampung Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ay muling umapela ang FSCAP sa mga miyembro ng Sanggunian na huwag alisin sa kanila ang pamamahala ng Senior Citizen Center.
Ayon kay Judge Ricardo Agapito Presidente ng FSCAP, pondo ng kanilang samahan ang ginamit upang ipatayo ang Senior Citizen Center. Kaya wala aniyang karapatan ang sino man na tanggalin sa kanila ang pangangasiwa nito.
Sa Joint Report ng Committee on Laws, Rules and Regulations at Committee on Social Welfare, Women and Family pinayagan nito na magpasa ng Resolusyon ang Sanggunian upang amyendahan ang Resolution No 871-96/Ordinance No. 96-282 na nangangahulugang mailipat sa Office for Senior Citizens Affair (OSCA) ang 800 sq meters na lupa ng City Government na masasakop ang kasalukuyang kinatitirikan ng opisina ng FSCAP.
Ayon pa kay Agapito, taong 1996 nang magkaroon ng kasunduan ang FSCAP at City Government na pauupahan sa kanila ang lupa ng siyudad sa loob ng limampung taon sa halagang piso kada taon.
Paliwanag pa ng FSCAP, hindi pa tapos ang kontrata at labag ito sa batas, na naging katanungan din ni Vice Mayor Anthony Umali sa mga konsehal.
Sa pahayag naman ni Kon. Gave Calling, kung dadaanin sa legal na usapin ang FSCAP ang may karapatan sa naturang center.
Katwiran ng mga Committee Chairman naipangalan sa FSCAP ang kontrata dahil ito lamang ang natatanging organisasyon noon ng Senior Citizens sa lungsod.
Hindi katulad ngayon na bukod sa FSCAP may apat pang grupo ng mga Senior ang Cabanatuan City Senior Citizen Association (CSCA), Kapitan Pepe Senior Citizens Association Inc. at dalawang paksyon ng Cabanatuan City Senior Citizens Federation Incorporated (CASFI).
Habang ang OSCA ay binuo upang humawak ng lahat ng organisasyon ng Senior Citizen sa lungsod.
Suhestiyon ni Kon. Nero Mercado, magpagawa ng panibagong opisina ang City Government na nakalaan sa osca upang maiwasan ang pag-aagawan ng mga organisasyon.
Sa huli, ipinanukala ni Kon. Epifanio Posada na magkaroon ng Special Session bago pinal na desisyunan ang naturang ordinansa. –Ulat ni Danira Gabriel