Hindi maiwasang madismaya ni Aling Medina Moreno ng Brgy. Lusok sa Bayan ng Bongabon, dahil sa baba ng presyo ng inani nitong mga sibuyas. Sintemyento nito, umabot sa mahigit isang daang buriki ng pulang sibuyas ang kanyang inani ngayon, mas mataas kumpara noong nakaraang taon dahil sa pagsalakay ng mga army worm.

Ngunit kung noong nakaraang taon ay nasa 40 pesos ang kada kilo ng sibuyas, ngayon ay nasa 20-22 pesos na lamang ito, habang ang puting sibuyas ay nasa 15 hanggang 17 pesos lamang ang kada kilo.

Umaaray ang ilang magsasaka sa bayan ng Bongabon dahil sa bente hanggang bente dos pesos na presyo ng kanilang mga inaning sibuyas, mababa kumpara sa presyo noong nakaraang taon.

Dagdag ni Aling Medina, upang hindi naman sila malugi ay dinala muna nila sa Storage sa Lungsod ng Palayan ang ilan sa kanilang mga inaning sibuyas upang hintayin ang pagtaas ng presyo.

Natriple naman umano ang inaning sibuyas ngayon ni Tatay Reynaldo Pascua kumpara noong nakaraang taon, kaya kahit may kababaan ang presyo ng sibuyas ay kampante itong kikita kahit papaano.

Gumanda man ang ani ng ilan ay mayroon din naman umanong nalugi dahil nagkasakit ang kanilang mga tanim na tinatawag nilang “spaghetti” o paghaba ng tangkay ng sibuyas.

Maliban sa mababang presyo ng sibuyas ay isa ding suliranin ng mga magsasaka ang kawalan ng direct buyers para sa kanilang mga inaning produkto sa bukid, kaya naman suporta pa rin ng Gobyerno ang panawagan ni Tatay Reynaldo. –Ulat ni Jovelyn Astrero