Naglaan ng 15 million pesos na pondo ang NIA UPRIIS Division 2 Talavera para i-update ang feasibility study kaugnay ng Central Luzon Irrigation Development Plan na layuning magtayo ng Multi-Purpose Dam sa Dupinga River sa bayan ng Gabaldon.
Dahil sa mga nagdaang kalamidad na nagdulot ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan muling binalikan ng NIA-UPRIIS ang nauna ng pag-aaral para sa pagpapatayo ng Multi-Purpose Dam sa Dupinga River sa Brgy. Tagumpay, bayan ng Gabaldon.
Ayon kay Engr. Santos Viernes, Manager ng NIA-UPRIIS, Division 2, na nakabase sa bayan ng Talavera, bahagi ng Central Luzon Irrigation Development Plan noong 1978 ang pagpapatayo ng dam ngunit hindi ito natuloy.
Maliban sa magsisilbi itong flood control ay makatutulong din aniya ang dam para sa irrigation, power generation, domestic supply, fish conservation at tourism.
Sa tulong umano ng mga eksperto mula sa Central Office na kinabibilangan ng Geologist, Dam Design Engineer, Surveyor at iba pa ay muling susuriin ang potential area ng Dupinga River na pagpatatayuan ng naturang proyekto, kung saan kinakailangan nilang isaalang-alang ang tatlong bagay, ang technical feasibility, financial viability at social acceptance ng komunidad.
Buwan aniya ng Oktubre ng nakaraang taon nang magcourtersy call ang NIA sa Tanggapan ni Mayor Rolando Bue upang i-update ang land classification ng Dupinga, at napag-alaman ang tungkol sa Mini Hydro Power Plant Project na ipatatayo ng Constellation Energy.
Matapos mabalitaan ang tungkol sa proyekto ay nakipag-ugnayan umano sila sa Constellation Energy upang magco-exist sa naturang proyekto.
Matatandaan na sa isang panayam kay Mayor Bue, sinabi nito na itatakda sa unang quarter ngayong taon ang groundbreaking ng Mini Hydroelectric Power Plant ng Constellation Energy sa Dupinga.
Dagdag ni Engr. Viernes, maliban sa Dupinga River ay kabilang din sa Central Luzon Irrigation Development Plan ang Digmala River sa Bongabon, Balintingon Multi-Purpose Project at Irrigation Project sa Papaya. -Ulat ni Jovelyn Astrero