Isa sa binabantayan at tinututukan ng San Antonio District Hospital ang glaucoma na itinuturing na isang silent disease dahil unti-unti nitong pinapatay ang ugat ng mga mata na maaaring magdulot ng paglabo ng paningin o tuluyang pagkabulag, ito ay ayon kay Dr. Elmer Espino, Ophthalmologist  ng naturang hospital.

Sinabi ni Dr. Espino na walang direct cause ang glaucoma ngunit may ilan umanong teorya na nakukuha ito dahil sa pagkakaroon ng high blood pressure at diabetes o maaari din umanong minana sa ibang kapamilya o kamag-anak.

Itinuturing umanong isang silent disease ang glaucoma na unti-unting sumisira sa mga ugat ng mata na maaaring mauwi sa pagkabulag, kaya naman pinapayuhan ni Dr. Elmer Espino ng San Antonio District Hospital na kailangang maagapan ito.

Sa pagpapatuloy ng Community Eye Health Program ng Department of Health at Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Czarina Umali ay nabigyan ng pagkakataon ang labing dalawang Barangay Health Workers ng Bayan ng Aliaga at tatlumpo’t isang mamamayan ng Bayan ng Bongabon upang libreng makapagpa-check-up ng mata kahapon.

Isa si Consorcia Corpus ng Bayan ng Aliaga sa nakitaan ng pinagsususpetsahang glaucoma dahil sa mataas na pressure ng kanyang mata na nasa 26-28 mm hg (millimeters mercury).

Ayon kay Dr. Espino, kapag ang pressure ng mata ay lumampas sa 20 mm hg ay may posibilidad na mayroong glaucoma ang pasyente.

Karaniwan kapag mataas ang pressure ng mata ng pasyente ay dadaan ito sa Computerized Visual Field Analysis at Optical Coherence Tomography of the Optical Nerve upang masiguro kung mayroon ngang glaucoma ang pasyente.

Oras na makumpirmang may glaucoma ang pasyente, idadaan muna ito sa paggamit ng Eye Drops upang mapababa ang pressure ng mata, kapag hindi ito bumaba ay tsaka ito isasailalim sa laser o surgical treatment o operasyon.

Nakitaan din ng suspected glaucoma ang mata ni Narcisa De Guzman ng Bayan ng Aliaga na halos isang taon ng tinitiis ang problema sa mata dahil sa kakapusan ng pampagamot, kaya malaking pasalamat nito sa naturang programa ng Provincial Government dahil sa libreng konsultasyon sa kanyang mga mata.

Habang ang kasamahan nitong BHW na si Julita Agustin ay nakatakda namang operahan ang mata dahil sa katarata.

Hindi naman napigilan nina Corpus at Agustin ang mapaluha dahil sa kasiyahan at pasasalamat kay Governor Cherry Umali dahil sa malaking tulong ng naturang programa. -Ulat ni Jovelyn Astrero