Summer nanaman, kaya’t patindi na ng patindi ang init ng panahon. Ngunit bukod sa heatstroke at pagkasunog ng balat, nakapagdudulot rin ng iba’t ibang sakit sa mata ang matinding sikat ng araw.

ANG LABIS NA PAGBABABAD SA INIT NG ARAW AY MAAARING MAGDULOT NG IBA’T IBANG SAKIT SA MATA TULAD NG KATARATA AT PUGITA.
Ayon kay Dr. Engelbert A. Dioso, isang opthalmologist sa San Antonio District Hospital, ang ultraviolet radiation ng araw ay nakapagdudulot ng iba’t ibang sakit sa mata tulad ng pterygium o mas kilala sa tawag na pugita.
Ang mga taong expose o nagtatrabaho sa ilalim ng init ng araw tulad ng mga tricycle drivers at magsasaka ang kadalasan umanong nagkakaroon ng sakit na ito.
Isa na rito si Renato Alcantara na isang magsasaka mula sa Brgy. Sta Maria, Licab.
Kwento niya, pitong taon na niyang tinitiis ang pangangati at panlalabo ng mata dahil sa pugita. Gustuhin man niyang magpagamot sa doktor ay hindi niya umano magawa dahil sa kahirapan ng buhay.
Kaya naman labis ang kanyang pasasalamat matapos mabigyan ng pagkakataong makapagpakonsulta sa mata ng libre sa San Antonio District Hospital.
Ito ay sa ilalim pa rin ng Community Eye Health Program ng Department of Health at ng provincial government sa tulong ni Governor Cherry Umali.

ANG PROVINCIAL GOVERNMENT NG NUEVA ECIJA AY NAGBIBIGAY NG LIBRENG KONSULTASYON, MEDIKASYON AT OPERASYON PARA SA LAHAT NG NOVO ECIJANO NA MAY KATARATA PUGITA O ANUMANG PROBLEMA SA MATA.
Ayon kay Dr. Dioso, parehong mata ni Alcantara ang apektado na ng pugita kaya’t kinakailangan na itong tanggalin sa lalong madaling panahon, bagay na hindi na rin niya dapat pang problemahin dahil sasagutin na rin ng programa ang kanyang operasyon at medikasyon.
Isa lamang si Alcantara sa labingsiyam na pasyente mula sa bayan ng Licab at Gapan City na hinatid-sundo ng mga tauhan ng kapitolyo para sa libreng check-up sa mata nitong nakaraang Miyerkules, March 22.
Base sa resulta ng konsultasyon, apat ang nakitaan ng panlalabo ng mata, tatlo ang may katarata, dalawa ang may pugita sa mata, pito ang bibigyan ng libreng medikasyon, habang lima naman ang bibigyan ng libreng operasyon.
Samantala, nagbigay naman ng payo si Dr. Dioso sa mga Novo Ecijano para maiwasan ang pagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa mata lalo na ngayong papatindi na ang init ng panahon.- ULAT NI JANINE REYES.