Matagumpay na idinaos ang 7th Kariton Festival sa bayan ng Licab, sa ikalawang pagkakataon ay naiuwi muli ng Barangay Aquino ang kampeonato na nakatanggap ng halagang Isang Daang Libong Piso

BARANGAY AQUINO, BACK TO BACK CHAMPION SA KARITON FESTIVAL
Ikinapanalo ng naturang barangay ang mga disenyong gawa sa mais at palay, nakadagdag din sa atraksyon ng kanilang kariton ang bangka sa ibabang bahagi ng kubo habang may nagsasagwang bata.
Ayon kay Kapitan Mandy Ramos ng Barangay Aquino, dahil sa pagtutulungan at ibinigay na effort ng kaniyang mga ka-barangay ay nakamit nila muli ang tagumpay.
Dagdag ni Kapitan, barangay service ang agaran nilang binili sa napanalunan noong nakaraang taon. Bagamat wala pa silang plano sa paggagamitan ng napanalunan na pera ay siniguro nito na mapupunta sa kapakinabangan ng mga mamamayan ang naturang premyo.
Nakuha ng Barangay San Cristobal ang 2nd place na nag uwi ng 75,000 pesos, 3rd placer naman ang Barangay San Jose na nag uwi ng 50, 000 pesos.
Nakilahok din ang Barangay Linao, Barangay Poblacion Norte, Barangay Poblacion Sur, Barangay San Casimiro, Barangay San juan, Barangay Sta maria, Barangay Tabing-ilog at Barangay Villa rosa na nakatanggap naman ng tig-lilimang libong piso bilang consolation prize.
Ayon kay Atty. Dante Alejandria, Legal Counsel ng Licab, ang kariton festival ay isang pagtitipon ay sumisimbulo sa tradisyunal na pamumuhay ng mga tao sa kanilang lugar.
Tampok sa mga kariton, ang mga produkto na mula sa bukid. Kagaya na lamang ng palay, mais,isda at mga gulay.
Dagdag nito, taunan nilang isinasagawa ang festival upang maipaalala at maimulat sa mga kabataang Licabeño ang kultura ng kanilang bayan. –Ulat ni Phia Sagat