Mahigpit ang paalala ng DEPED o Department of Education sa mga pampublikong eskwelahan sa elementarya at high school na bawal ang magarbo at magastos na graduation rites lalo na kung magiging pabigat ito sa mga magulang at estudyante.

Ito ay alinsunod sa Department Order No. 8, series of 2017.

Sa panayam ng TV48 sa telepono kay DEPED-NE School Division Superintendent Ronaldo Pozon, ipinaalala nito na uniporme pa rin ang ipinapasuot nila sa mga graduating students upang hindi maging masakit sa bulsa ng mga magulang ang anumang gastusin para rito.

Habang ang mga dekorasyon at iba pang gastusin sa graduation ay sagutin ng School Maintenance and Operating Expenses (MOOE) sa ilalim ng 2017 budget ng mga public schools.

Ayon pa kay Pozon, bagamat isang malaking milestone ang okasyon para sa mga estudyante. Hindi aniya sapilitan ang pagkakaroon ng toga, year book at mga litrato.

Binigyang diin din ng DEPED, na‘No Collection Policy’ katulad ng graduation fee o anumang kontribusyon maliban sa donasyon na aprubado ng Parents and Teachers Association (PTA).

Dagdag pa niya, hanggat maaari ay magpatala na ng mas maaga ang mga estudyante para sa school year 2017-2018.–ULAT NI DANIRA GABRIEL