Binigyang pagpapahalaga ng PJG Memorial and Research Medical Center ang mga babaeng nagbibigay buhay sa sangkatauhan sa ginanap na pagdiriwang ng National Buntis Day.
Sa loob ng isang araw, ipinadama ng PJG MRMC sa mga kababaihang nagdadalang-tao ang kanilang kabuluhan sa pamamagitan ng paghahandog ng mga libreng serbisyo sa tulong ng kanilang sponsors.
Isandaang buntis ang nakinabang sa free check-up and laboratory, habang tatlumpo naman ang nabenepisyuhan ng libreng ultrasound. Bukod dito ay nagkaroon ng patimpalak na “Mrs. Buntis 2017”, at pagbabahagi ng tamang impormasyon tungkol sa HIV-AIDS at breast-feeding.

Ang mga kandidata ng Mrs. Buntis 2017 na inilunsad ng PJG Memorial and Research Medical Center.
Ayon kay Dr. Jessica Uera, resident OB-Gyne ng PJG, layunin ng programa na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababaihan upang maging malusog ang kanilang pagdadalang-tao.
Mataas pa rin kasi aniya ang maternal mortality rate sa Pilipinas. Sa report ng CIA World Fact book noong taong 2015, sinasabing 114 na mga ina sa bansa ang namamatay sa bawat 100,000 live births na konektado sa pagbubuntis at panganganak.
Kaya naman ipinapayo ni Dra. Uera sa mga babaeng nagdadalang-tao na maglaan ng kanilang oras at panahon sa pagpapakonsulta para maiwasan ang pagkakasakit at pagkamatay.- Ulat ni Clariza de Guzman