Nagpahayag ng pakikiisa ang National Union of Journalists of the Philippines-Nueva Ecija Chapter sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan at Pambansang Buwan ng Kababaihan kung saan inilahad ang panawagan para sa trabaho, lupa, hustisya at kapayapaan sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Rodrigo Duterte.

Sa official statement na inalabas ng NUJP-NE na binasa ni Chair Sonia Capio noong March 11, 2017, binigyang diin ang malaking responsibilidad ng mga manggagawang mamamahayag sa paghahatid ng serbisyo at tamang impormasyon sa mamamayan na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga babae  na patuloy na dumaranas ng pang-aapi at pagsasamantala dahil sa pyudal na sistema ng lipunan.

Pangunahin na ang pagkawala ng hanap-buhay ng mga maralitang kababaihang nasa kanayunan na umaasa sa pakikitanim at pakikigapas dahil sa malaganap na operasyon ng tinaguriang “halimaw” na reaper/ harvester na pag-aari ng iilang mayayamang magsasaka, panginoong maylupa, negosyante, at usurero.

Ang mga opisyal ng NUJP-Nueva Ecija Chapter.

Maraming kababaihan din ang napipilitang mangibang bansa para maging Domestic Helper sa kabila ng pang-aabuso at pagmamalupit ng amo. Isa na rito si Marie Fe Aquino Manulit, trenta anyos ng barangay Caimito, Palayan City na nasa Saudi Arabia.

Tinangka siyang pagsamantalahan ng kanyang amo at hindi pinakain ng limang araw. Nang makatakas, tatlong kabataang Arabo ang halinhinang gumahasa sa kanya. Ang kanyang pamilya ay umaapela sa gobyerno na siya ay mapauwi na sa Pilipinas.

Kinokondena rin ng unyon ang pagpapatupad ng “All-out war sa CPP-NPA-NDFP” at pagbabalik sa War on Drugs na Oplan Tokhang na ang tinatamaan naman ay mga sibilyan at kababaihan.

Maging ang minamadaling pagpapasa sa kongreso ng pagpapanumbalik ng parusang death penalty samantalang initsa pwera naman sa mga parurusan nito ang rape at plunder case.

Nakikipag-isa rin ang NUJP-Nueva Ecija sa siyamnapo’t walong miyembro ng unyon ng manggagawang mamamahayag sa istasyon ng TV5 na tinanggal sa trabaho at ngayo’y humihiyaw ng katarungan sa kanilang lehitimong karapatan.- ulat ni Clariza de Guzman