Sunud-sunod ang naging bagyo noong nakarang taon. Ito ang dahilan kung bakit unti-unting gumuho ang lupa sa paligid ng ilog Coronel sa Barangay Pinagbayanan sa bayan ng Laur dahilan para lumipat sa direksyon ng mga bahayan ang pagdaloy ng tubig nito.

Sa pangambang tuluyang makain ng ilog ang mga bahayan ng mga residente, isang request ang ipinadala ng kapitan ng naturang barangay na si Antonio Dayao, Jr. na agad namang tinugunan ng punong panlalawigan na si Governor Cherry Umali.

Nobyembre nang nakaraang taon nang simulan ang pagiinspeksyon sa nasabing ilog. Dito nakita na kinakain na nga ng ilog ang lupa at mga bahayan sa barangay.

Ilang araw matapos ang pagiinspeksyon ay agad nang sinimulan ang rechanelling ng river bed.

Gamit ang mga heavy equipments ng pamahalaang panlalawigan, tinambakan ng lupa ang parteng kinakain ng ilog upang mapigilan ang pagdaloy nito sa mga bahayan at bumalik sa dating daluyan nito.

TINAMBAKAN NG LUPA ANG BAHAGI NG ILOG CORONEL NA UMAAPAW AT DUMADALOY PATUNGO SA BAHAYAN NG MGA RESIDENTE GAMIT ANG MGA HEAVY EQUIPMENTS NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paglilihis ng daloy ng tubig sa ilog kasabay ng paggawa ng pansamantalang dike sa gilid nito upang tuluyan nang lumayo ang tubig sa mga bahayan at maiwasan na ang pagguho ng lupa.

LIGTAS NA SA BAHA ANG MGA RESIDENTE NG BRGY. PINAGBAYANAN, LAUR DAHIL SA ISINAGAWANG RECHANELLING NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SA ILOG CORONEL.

Dahil dito ay unti-unti nang nabura ang pangamba ng mga residente ng barangay kaya’t labis ang kanilang pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan.

Inaasahan na ngayong buwan ay matatapos na ang re-chanelling ng ilog Coronel sa nasabing lugar. – ULAT NI JANINE REYES.