Damang-damang umano ng DepEd-Nueva Ecija ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Czarina Umali sa ginanap na CLARAA meet 2017.
Sa ginanap na programa sa Sierra Madre Suites, Palayan City binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga batang atletang nakapag-uwi ng karangalan sa lalawigan, kabilang ang kanilang coaches and trainers upang lalo pang magpursige sa larangan ng sports.
Ipinagkaloob ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali bilang kinatawan ng gobernadora ang cash incentives para sa Team Nueva Ecija na nakasungkit ng limampong golds, tatalumpo’t walong silvers, at limampong bronzes sa CLARAA meet.

Si Cabanatuan City V. Mayor Anthony Umali habang iniaabot ang cash incentives galing sa Pamahalaang Panlalawigan para sa mga batang atleta ng DepEd na nagwagi sa CLARAA meet 2017.
Matatandaan na umabot sa Php9.3-Million ang pondong ipinagkaloob ng Provincial Local School Board sa delegasyon ng DepEd Nueva Ecija na ginastos sa pagsabak sa laban sa CLARAA, na pinaka malaki umano sa kasaysayan.
Sa mensahe ni DepEd-NE Schools Sports Coordinator Charina Sogue, ipinarating nito ang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan dahil sa pagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng Team Nueva Ecija mula sa mga bagong equipment sa pagsasanay, at mga kasuotan ng delegasyon, hanggang sa kanilang pagkain.
Bagaman bumaba sa rank 7 ang Nueva Ecija sa CLARAA mula rank 4 ng nagdaang taon ay masaya pa rin ang mga guro sa pangunguna ni DepEd-Nueva Ecija Division Superintendent Rolando Pozon dahil sa disiplinang ipinamalas ng mga estudyanteng atleta.- ulat ni Clariza de Guzman