Patuloy na ibinababa ng Pamahalaang Panlalawigan ang pamamahagi ng mga baka sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsiya. ito ay bahagi ng pagtulong ng Kapitolyo sa mga nasalanta ng Bagyong Karen at Lawin.
Dalawampung taon ng nag-i-i-wihan ng ng kalabaw at baka si Sofronio, ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
Ngunit ng magkasakit ang kaniyang ama ay tuluyan ng naibenta ang kanilang mga alagang hayop. Tanging ang pagsasaka na lamang ang kanilang pinagkakakitaan ngayon.
Kaya’t laking tuwa niya, ng isa siya sa mga napili bilang benepisyaryo ng proyektong Cattle Distribution ng Pamahalaang Panlalawigan.
Kabilang si Sofronio sa dalawampu’t limang mamamayan na nakatanggap ng baka sa bayan ng Jaen, sa ilalim ng programang rehabilitasyon ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Cherry Umali at pakikipagtulungan ng Provincial Veterinary Office.
Ang mga baka ay ipinamamahagi sa mga nasalanta ng Bagyong Karen at Lawin sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsiya, upang matulungan na muling makabangon ang mga biktima ng kalamidad.
Sa ilalim ng kontrata ng mga benepisyaryo, ay hindi maaring katayin o ibenta ang mga ipinamahaging baka. Ito ay aalagaan at pararamihin hanggang sa manganak. Ang unang anak ay ibabalik sa Kapitolyo upang maipamigay naman sa ibang nangangailangan.
Lubos din ang naging pasasalamat ni Mayor Sylvia Austria sa walang humpay na pagbuhos ng mga programa sa kanilang bayan mula sa probinsiya.
Sa kaparehong araw, bukod sa jaen, namahagi rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng tatlumpong baka sa bayan ng San Isidro. –ULAT NI DANIRA GABRIEL