Hindi pa man nakakabayad ng naunang loan ay muli nanamang umuutang ang mga nagrereklamong pampublikong guro sa St. Bernadette Credit and Lending Corporation, na nagiging dahilan kung bakit lumobo ang kanilang mga pagkakautang, ito ang pahayag ni Atty. Lydia Bauto-Hipolito, Legal Council ng naturang lending company.

   Ayon dito, dahil sa panibagong loan ng mga pampublikong guro ay nagkakaroon ng amendment o pagbabago sa kanilang mga pinipirmahang promissory note. Ang promissory note ay isang dokumento na naglalaman ng pangako ng umutang na magbabayad ng partikular na halaga sa pinagkakautangan sa itinakdang petsa.

   Sinagot din nito ang isyu sa umano’y usurious o labis na tubo sa pautang, na isa sa reklamo ng mga guro, ayon dito inalis na ang usury law sa ilalim ng Central Bank Regulation and Rules, kaya ang anumang napagkasunduang interest rate ng debtor at creditor ay legal at mabisa.

   Giit nito, na tanging ang korte lamang ang magdedeklara kung maituturing bang usurious ang interest rate na pinagkasunduan sa isang kontrata.

   Ayon kay Apple Aquino, legal staff ng St. Bernadette Credit and Lending Corporation, na bagama’t tumangging magpaunlak ng panayam sa harap ng camera, ay ipinaliwanag nito na bago nila payagan ang debtor na muling makapangutang sa ilalim ng salary loan ay kinakailangan muna nitong mabayaran ang kalahati ng halagang nauna nitong inutang.

   Subalit ang ginagawa aniya ng ilang mga guro upang muling makapangutang sa kabila ng hindi pa nila bayad ang kanilang salary loan ay ipinangungutang nila ang kanilang mga benefits tulad ng year-end bonus, midyear bonus, clothing at iba pa sa ilalim ng other loan na pinapayagan ng naturang lending.

   May ilan din umanong kumukuha ng emergency loan na pinapayagan din nila dahil sa pakiusap at mahigpit na pangangailangan ng mga guro.

   Nakahanda naman umano ang St. Bernadette Credit and Lending Corporation sa kontra-demandang planong ihain ng mga nagrereklamong pampublikong guro laban sa kanila. –Ulat ni Jovelyn Astrero