Bumwelta si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa mga isyung ibinabato sa kaniya ni Mayor Jay Vergara.
Isa-isa nitong sinagot ang mga paratang sa kaniya ng Punong Lungsod, matapos magtagpo ang kanilang landas sa ginanap na Barangay Night noong January. 31, 2017.
Sa kwento ni Umali, harapang nagpasaring sa kaniya si Vergara ng magbigay siya ng mensahe sa naturang pagdiriwang. Aniya, pakikiisa ng mga opisyal ng barangay sa sanggunian na walang halong politika ang laman ng kaniyang mensahe.
Ngunit, matapos ang kaniyang pananalita ay agad umanong nagpasaring si Vergara na paanong magkakaisa kung kinakasuhan ng kapatid ni Umali na si Former Gov. Oyie Umali ang kaniyang maybahay na si 3rd District Congw. Ria Vergara.
Binanggit din umano ni Vergara, ang posisyon nila sa Sanggunian na dehado sila pagdating sa bilang ng mga session.
Mula ng maupo bilang Bise Alkalde at maging Presiding Officer ng lungsod si Umali ay tatlong beses na aniya nagkaroon ng Division of the House. Una, ang pagpapatayo ng Baratilyo; pangalawa, ang reclassification ng Aboitiz land; at ang pangatlo ay ang amendment ng SP Resolution no. 102-2016 upang makapag-avail ang City Government ng tax exemption. Kung saan, nahahati ang mga boto sa yes or no.
Dagdag pa ni umali, bukas umano ang kaniyang pinto sa debate upang linawin ang bawat isyung ipinaparatang sa kaniya ni vergara. -Ulat ni Danira Gabriel