Tinitiyak ni Senior Superintendent Antonio Yarra, ang itinalagang bagong Director ng Nueva Ecija Provincial Police Office na magiging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng kapaskuhan ng mga Novo Ecijano dahil sa mas pinaigting na police visibility.
Sa ekslusibong panayam kay Provincial Director Yarra, sinabi nito na dadagdagan ang mga pulis na nagbabantay sa mga pamilihan at pasyalan dahil inaasahang sa mga lugar na ito posibleng magkaroon ng krimen partikular ang nakawan.
Pagkaupo pa lamang sa posisyon ni PD Yarra ay kaagad na aniya siyang nagpatawag ng command conference kung saan nagbigay siya ng direktiba sa kapulisan na ipagpatuloy ang anti-illegal drugs campaign at siguruhin na magiging ligtas ang mga mamamayan sa pasko at pagsalubong sa bagong taon.

Nag-courtesy call kay PD Antonio Yarra ang mga miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Hinikayat din nito ang mga Novo Ecijano na makiisa sa kampanya kontra illegal na droga sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pulisya kung may impormasyon tungkol sa mga personalidad na sangkot sa paggamit at pagbebenta nito.
Dahil base umano sa pag-aaral at karanasan ng Philippine National Police, ang mga taong umaabuso sa illegal na droga ang kadalasang gumagawa ng krimen.
Si Yarra ay galing sa probinsiya ng Quezon bago nadestino dito sa Nueva Ecija. Nagtapos sa Philippine Military Academy noong taong 1991. Dalawampo’t limang taon na sa serbisyo. Kabilang sa kanyang mga karanasan ang pagiging Hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa Quezon City at Philippine Drug Enforcement Unit sa Caloocan, at Cavite. -Ulat ni Clariza De Guzman