Matapos ang dalawang araw na Budget Deliberation para sa taong 2017 Annual Budget ng Cabanatuan City, inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Anthony Umali ang P1.3 bilyong pondo para sa susunod na taon.

   Pinukpukan na sa Ika-Dalawampu’t Limang session ng Sangguniang Panlungsod ang P1.3 bilyon na panukalang 2017 Annual Budget ng Cabanatuan City.

   Umabot sa P1, 346, 443, 771 ang naturang budget na nakalaan para sa susunod na taon.

   Hinati ito sa tatlong sektor: ang 36.19% ay mailalagay sa Social Services na nagkakahalaga ng P487 million;  33.69% sa General Services na mayroong P453 million; at 30.12% nito ay mapupunta sa Economic Services na nagkakahalaga ng P405 million.

   Isa sa mga lumaking budget ang Personal Services na umabot sa P473 million, ang dahilan aniya ay bunsod ng Second Tranche ng Salary Standardization Law ng mahigit walong daang manggagawa ng City Hall.

   Nakapaloob naman sa P161 million na 20% development fund ang tatlong dibisyon:  ang P43 million na nakalaan para sa Social Development, P63.5 million para sa Economic Development at P55 million para sa Environmental Development.

   Sa ilalim ng Social Development makikita ang P22 million na inilaang pondo para sa pagbuo ng MV Gallego Cabanatuan City General Hospital Annex. Habang sa Economic Development, kapansin-pansin ang malaking halagang inilaan para sa pagpapagawa ng mga kalsada at tulay na nagkakahalaga ng P61.8 million kumpara sa P1.7 million na pondo para sa Agricultural development. Hinati naman sa dalawa ang budget para sa Environmental Development, P32 million na Solid Waste Management at P23 million na Environmental Management.

   Sa dalawang araw na Budget Deliberation ay isa-isang hinamay ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Anthony Umali ang paglalaan ng mga pondo ng bawat departamento.

   Nilinaw din ni Umali ang isyu sa pagitan ng Sanggunian at mga guro ng lungsod hinggil sa di umano’y pagharang ng SP sa instructional allowance o tinatawag ding chalk allowance ng mga guro ng DepED-Cabanatuan City.

   Humigit kumulang Isang Daang Milyong Piso ang itinaas ng 2017 budget, kaysa sa P1.2 billion ng taong 2016. -Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/TjHQTalnHTw