Ibinahagi ni Paulo Tibig, CEO ng V Cargo Worldwide/ Vintel Logistics, Incorporated ang tamang pamamaraan sa pagbabadyet ng pera upang maging matagumpay na indibidwal o negosyante, sa katatapos na SME Summit and Seminar on Personal Finance ng Department of Trade and Industry-Nueva Ecija.
Tinalakay din ni Tibig ang Financial Planning Process o proseso sa pinansyal na pagpaplano, ilan sa mga ito ay ang pagtatakda ng malinaw na goals o nais na maabot sa buhay, pagpaplano kung paano maisasakatuparan ang mga naising ito, pagsuri sa mga mahahalagang impormasyon na makatutulong para sa pagkamit nito, at iba pa.
Ayon kay Tibig, malaking salik sa pagnenegosyo kung paano patatakbuhin ang pera sa pamamagitan ng paghihiwalay ng budget para sa personal na pangangailangan at budget para sa negosyo.
Isa naman sa mga natutunan ni Julian Serano Jr. mula sa Baloc, Sto. Domingo sa naturang seminar ay ang paglalaan ng pera sa mga pangunahin pangangailangan kesa sa mga hindi naman importanteng bagay.
Samantala, kasabay ng naturang seminar ay pinarangalan ng DTI-Nueva Ecija ang Eastern Primary MPC bilang DTI Best Regional Shared Service Facilities sa buong Region 3, at ang mga natatanging Micro, Small and Medium Enterprises sa lalawigan.
Para sa Top grosser in the 2016 Likha ng Central Luzon Trade Fair, nanguna dito ang Nueva Cabanatuan Meat Products, sumunod ang Kababaihang Masigla ng Nueva Ecija at ang Muñoz Science City Food Products. -Ulat ni Jovelyn Astrero