Makalilikom umano ng Php15 million revenue o kita ang probinsya ng Nueva Ecija mula sa Tax on Sand and Gravel and other Quarry Resources sa 2017, dahil sa maayos na monitoring at sistema ng paniningil ng Pamahalaang Panlalawigan, base sa assessment ng Environment and Natural Resources Office.
Sa datos ng ENRO, as of September 30, 2016 ay umaabot na sa 10.9 million pesos ang nakokolekta ng Provincial Government mula sa Quarry.
Ang mga pribadong kompanya na humihingi ng permit to quarry ay may kaukulang halaga na binabayaran sa Tax on Sand and Gravel, Extraction Fee at Quarry Fee, na pumapasok bilang revenue o kita ng lalawigan.
Mula sa total collection sa Tax on Sand and Gravel, 30 porsyento nito ay napupunta sa Provincial Government, 30 porsyento din sa Munisipalidad, at 40 porsyento sa mga Barangay na pinag-quarry-han
Base sa datos, pumalo sa 14.7 million pesos ang naging koleksyon ng Nueva Ecija sa Quarry noong 2014, at umakyat ito sa 16.2 million pesos noong 2015.
Nakasaad sa Section 138 ng Local Government Code na maaaring mangolekta ng buwis ang probinsya na hindi hihigit sa sampung porsyento ng fair market value kada cubic meter ng mga ordinaryong bato, buhangin, graba at iba pang quarry resources na hahakutin sa mga quarry sites sa Lalawigan.
Aabot sa 10, 000 cubic meters o may katumbas na 714 truckloads kada isang ektarya ang allowable o limitasyon sa paghahakot ng mga graba at bato.
Mula sa 10, 000 cubic meter ay nasa 14 cubic meters kada truck load ang pinababayaran sa mga kumukuha ng permit sa Pamahalaang Panlalawigan.
Nagkakahalaga ng anim na piso ang kada cubic meter ng graba at bato, at umaaabot sa 500-600 pesos ang singil ng probinsya sa kada truckload. -Ualt ni Jovelyn Astrera