Mahigit isang daang libong Coffee, Cacao at Atsuete Seedlings at Assorted Vegetable Seeds ang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan, bilang ayuda sa mga magsasakang naapektuhan ng mga kalamidad noong nakaraang taon.
Personal na iniabot ni Governor Czarina Umali ang mga buto at puno ng iba’t-ibang High Value Crops na nagmula sa Department of Agriculture, sa mga magsasaka at mga lider ng apat na Rural Based Organizations sa Lalawigan.
Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, ang mga Rural Based Organizations na ito ay katuwang ng probinsya sa pagpapatupad at pagmomonitor ng mga programang isinasagawa sa lalawigan para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Kasama ring dumalo sa naturang distribusyon ni Governor Cherry Umali ang kanyang kabiyak na si Former Governor Aurelio Umali na tumutok din sa Agrikultura ng lalawigan sa kanyang termino bilang lingkod bayan.
Sa mensahe ng Gobernadora, ibinahagi nito na ang dating Gobernador Oyie ang naging daan upang maisakatuparan ang Ani ng Masaganang Uhay na nakapagbigay ng malaking tulong sa mga magsasaka sa probinsya.
Ibinalita rin ni Gov. Cherry ang kanyang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng Gobyerno partikular na sa Department of Agriculture para sa mga programa at proyekto na makatutulong upang lalo pang masuportahan ang Agrikultura ng probinsya.
Samantala, bago ang naging pamamahagi ng mga buto at seedlings, ay sabay-sabay na nanumpa sa katungkulan sa harap ni Governor Cherry Umali, ang mga bagong halal na opisyales ng Agricultural and Fishery Council at ng apat na Rural Based Organizations ng Nueva Ecija, na kinabibilangan ng Rural Improvement Club, 4-H Club, Volunteer Leader Association of the Philippines, at Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul at Magsasaka ng Pilipinas o P4MP.-Ulat ni Jovelyn Astrero